NAGA CITY- Nagbabala ngayon ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) kaugnay ng paglipana na naman ng mga box jelly fish o dikya ngayong panahon ng tag-init.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Nonie Enolva, tagapagsalita ng BFAR-Bicol, sinabi nito na lubhang mapanganib ang lason na dulot ng mga dikya.
Aniya, kung hindi maagapan sa loob ng 15 hanggang 45 minuto matapos ma-sting ang isang biktima, posible itong kaagad na bawian ng buhay kagaya na lamang ng nangyari sa isang 5-anyos na batang babae sa bayan ng Lagonoy, Camarines Sur.
Dagdag pa ni Enolva na mas mabilis kasi umanong kumalat ang lason lalo na sa mga batang magaan ang timbang kung kaya ayon sa tagapagsalita na mainam na itakbo agad sa pagamutan ang sinuman na kapitan ng nasabing mga dikya.
Nabatid na mas dumarami ngayong mainit na panahon ang bilang ng mga jelly fish dahil ang naturang klima aniya ang paborable sa mga dikya.
Sa ngayon, aabot na sa 10 katao ang mga binawian ng buhay sa Bicol Region dahil lamang sa dikya sa nakalipas na limang taon.