Pinaigting ng Bureau of Immigration (BI) ang kampanya nito laban sa human trafficking, partikular sa mga scheme na nag-aalok ng pekeng trabaho sa ibang bansa na nauuwi sa sapilitang pagtatrabaho ng ilang overseas Filipino workers (OFWs) sa online scam hubs.
Ayon kay BI spokesperson Dana Sandoval, maraming Pilipino ang naloloko ng ilegal na recruitment at nahaharang sa mga paliparan dahil sa kakulangan o paggamit ng pekeng dokumento.
“Many OFWs want to leave illegally and many are also offloaded due to lack of paperwork using some recruitment agencies,” ani Sandoval sa isang forum sa Luneta Park.
Dagdag pa niya, mas pinaigting na ng BI ang border control at passenger screening, kasabay ng mas mahigpit na koordinasyon sa National Bureau of Investigation (NBI), Department of Migrant Workers (DMW), at iba pang ahensya upang matunton at mapigilan ang illegal recruitment at trafficking networks.
Ayon sa BI, karaniwang nahihikayat ang mga biktima sa mga online job advertisement na nangangako ng mataas na sahod, ngunit nauuwi sa sapilitang pagtatrabaho sa mga scam operations sa ibang bansa.
Ipinahayag din ng ahensya na patuloy ang kanilang rescue at repatriation efforts para sa mga Pilipinong naliligtas mula sa ganitong mga operasyon, kung saan kadalasang nakararanas ang mga biktima ng pagbabanta, pagkumpiska ng pasaporte, at sapilitang pagtatrabaho sa tinatawag na “fraud factories.”
Hinihikayat ng BI ang publiko na maging mapanuri sa mga alok na trabaho sa ibang bansa at tiyaking dumaan sa lehitimong proseso upang maiwasan ang pagiging biktima ng human trafficking.














