NAGA CITY — Tampok ngayon sa Naga City ang iba’t ibang coconut-based products at iba pang produkto mula sa mga kooperatiba sa Bicol Region para sa 2024 Bicol Cocoperatibay Trade Fair, kaugnay ng pagdiriwang ng National Cooperative Month.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Naga kay Engr. Zaldy Bermejo, ang Acting Assistant Regional Director ng Cooperative Development Authority Regional Office V Extension Office, sinabi nito na bahagi ng work plan ng Cooperative Development Authority ang nasabing trade fair.
Dagdag pa ng opisyal na mayroong 26 exhibitors kaya ninais nilang isama ang mga learning session. Nagbigay din ng kanilang mga regalo ang mga kooperatiba mula sa Albay, Camarines Sur, Sorsogon, at Masbatae.
Ang mga inobasyon at kalidad ng produkto, ay masasabi ring globally competitive.
Kaugnay nito, ang pinakatampok sa trade fair ay ang ibinenta ng isa sa mga kooperatiba, ang San Ramon San Augustin Agrarian Reform Cooperative na tumaas lamang sa 40 pesos ang presyo ng bigas.
Samantala, isa ang Bicol Entrepreneur for Mushroom Agriculture Cooperative (BEMAC) sa mga lumahok sa nasabing pagtitipon ng mga kooperatiba at trade fair, itinatampok ang iba’t ibang produkto mula naman sa cultured mushroom, tulad ng Crispy Mushrooms, Mushroom Chicharon, at iba.
Tiniyak naman ni Nobelita Condat ang Chairperson ng BEMAC na ligtas itong kainin at walang dapat ikabahala ang publiko sa pagkain ng mga produkto mula sa mushroom.
Ang Bicol Cocoperatibay Trade Fair ay tatagal hanggang Huwebes, October 17, sa Civic Center Compound sa Naga City.