NAGA CITY – Nagsilbing host ang Bicol Region ng Partnership Against Hunger and Poverty (PAHP) Nationwide knowledge sharing, kumustahan sa Bicol Region na isinagawa sa isang hotel sa Naga City.
Sa naging pagharap sa mga kagawad ng media ni Usec. Rowena Niña Taduran, Support Service Office ng Department of Agriculture, sinabi nito na ang nasabing aktibidad ay dinaluhan ng lahat ng kinatawan mula sa bawat Rehiyon sa buong bansa.
Ayon sa opisyal, ang nasabing hakbang ay bilang pagsunod sa programa ng gobyerno para makamit ang food security sa bansa.
Kaugnay nito, ipinaliwanag ni Taduran na mahalaga ang partnership at collaboration sa iba’t ibang ahensya para mas matulungan ang mga magsasaka.
Dagdag pa ng opisyal, bahagi ng programa ng DAR ang pagbuo ng mga programang makakatulong sa pagkakakitaan, at pagtiyak na may lugar ang mga magsasaka para ibenta ang kanilang mga produkto.
Sa pamamagitan ng pakikipagtulungan sa ibang mga ahensya, mas madaling matulungan ang mga magsasaka at mga benepisyaryo ng repormang agraryo na ibenta ang kanilang mga produkto at makakuha ng mas mataas na kita.
Sa pamamagitan nito, hindi lamang natutulungan ang mga magsasaka sa pagtatanim, pag-ani kundi pati na rin sa pagebenta ng kanilang mga produkto.
Samantala, tiniyak ng opisyal na patuloy silang bubuo ng mga proyekto o programa na makakatulong sa mga magsasaka at makamit ang food security sa buong bansa.