Photo © web

NAGA CITY- Hindi matatawaran ang nararamdamang kasiyahan ng Bicol Vulcans matapos na maibulsa ni Xian Kenneth Bondal Barredo ang panibagong gold medal para sa Javelin Throw – Elementary Boys division sa nagpapatuloy na Palarong Pambansa 2025 sa Ilocos Norte.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Coach Richard Guanzon at Coach Dexter Mariscotes, sinabi ng mga ito na masayang-masaya ang kanilang team para sa unang gintong medalya na kanilang nakuha sa pamamagitan ni Barredo.

Si Barredo ay Grade 6 student mula sa Iriga Central School at tubong Barangay San Roque, Iriga City.

Na-secure nito ang unang pwesto matapos na magtala nang 52-meter throw sa isinagawang athletics event na Javelin Throw – Elementary Boys Division.

Advertisement

Ayon sa mga coaches nang nasabing atleta, bago pa ang kumpetisyon nangako umano si Barredo na iuuwi ang gold medal na nagkatotoo naman kaya’t malaki ang kanilang pasasalamat.

Pursigido umano na manalo ang atleta at isinabuhay ang mga dinaanan nitong trainings na nagresulta naman sa matagumpay na pagbulsa ng gintong medalya.

Malaking bagay umano para sa kanilang team at sa buong rehiyong Bicol ang tagumpay ni Barredo dahil nagsisilbi itong motibasyon sa ibang mga players na maging matagumpay din sa kanilang piniling larangan ng sports.

Sa ngayon, positibo ang mga delagado mula sa Rehiyong Bicol na makapag-uwi pa ng gintong medalya sa nagpapatuloy na Palarong Pambansa 2025.

Advertisement