NAGA CITY – Abanse si Democratic presidential candidate Joe Biden habang tila dehado naman at hindi makausad si President Donald Trump batay sa Pulse Survey sa nagpapatuloy na early election sa Estados Unidos.
Sa ulat ni Bombo International Correspondent Virginia Contreras mula sa California, USA, sinabi nito na kahit sa battleground states gaya ng Wisconsin, Ohio, Georgia, Michigan at iba pa ay nakakalamang pa rin si Biden.
Pero dagdag ni Contreras na lamang naman si Trump ng siyam na puntos sa bahagi ng Texas.
Ngunit nilinaw nitong hindi iyon maaaring maging basehan para masabing tuluyan nang maipapanalo ni Biden ang Electoral College dahil may mga last minute surprises aniya na maaaring mangyari.
Samantala, tila desidido umano ang mga botante sa Estados Unidos na bumoto para sa US election dahil mas marami ang turn-out ng “vote in precinct” kung ikukumpara noong 2016.
Kung maaalala, nagsimula ang early election sa naturang bansa noong Setyembre 18 at matatapos sa Oktubre 31, habang isasagawa naman ang general elections sa darating na Nobyembre 3, 2020.