NAGA CITY- Mangiyak-ngiyak ngayon ang ina ng isang OFW sa Lebanon na nasa kritikal ang kondisyon dahil sa naging malakas na pagsabog.

Kinilala ang OFW na si Sarah Jane Dacara.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Violeta Begata Dacara, ina ng OFW, sinabi nito na hanggang ngayon ay hindi pa nagigising ang kaniyang anak at hanggang ngayon ay kasalukuyang nasa ICU pa.

Ayon dito, sa ulo ang naging tama ni Sarah Jane dahil sa lakas ng impact ng pagsabog.

Tila sinisisi rin ni Violeta ang sarili sa nangyari sa kaniyang anak.

Samantala, nasa 10 km naman sana ang layo ng tinitirhan ng kaniyang anak sa pinangyarihan ng pagsabog ngunit ganito na lamang ang naging epekto.

Sa ngayon, tiniyak naman ng doktor ni Sarah Jane na magiging mahigpit ang pagmonitor nito sa para sa tuluyang paggaling ng naturang pasyente.