NAGA CITY – Sipag, tiyaga at determinasyon mula sa mga kabiguan bilang isang manlalaro ang naging puhunan ng isang Bikolanang Atleta na sasabak ngayon sa Paris Olympics bago nito narating ang inaabangang torneyo sa buong mundo.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Edgardo Maerina, coach ni Joanie Delgaco, representante ng Pilipinas para sa Rowing, sinabi nito na simula ng dumating ang mga delegado ng bansa sa France puspusan na ang ginawang pag-eensayo ni Joanie, lalo na sa ilang bahagi na kailangan pa nitong mas paghusayan.
Si Delgaco na tubong Iriga City ay unang nakilala sa larangan ng volleyball ng maging representante ito para sa Palarong Pambansa, ngunit nahiligan at ipinagpatuloy na nito ang pagsali sa Rowing kung saan dito ito napili na mag representa sa Pilipinas para sa Paris Olympics.
Ayon pa kay Maerina, mayroon ng strength si Delgaco ngunit mayroon pa itong dapat na iimprove pagdating sa kaniyang skills dahil dito mahigpit nilang binabantayan kaniyang bawat stroke upang masiguro na magiging maayos ang mga ito.
Kailangan kaya na mapanitili nito ang quality ng kaniyang stroke hanggang sa pagtatapos ng laro at mas mapahaba ito, na karaniwan umanong nawawala kung kaya kailangan na mas pag-ensayohan pa.
Samantala, sa loob naman umano ng isang linggo anim na beses silang nagpapraktis habang tatlong beses naman sa loob ng isang araw, kung saan pag patak pa lamang ng alas-5:30 ng umaga ay nagsisimula na silang mag running, pagdating naman ng alas-8 ay rowing, at alas-3:30 ng hapon rowing ulit.
Dagdag pa ni Maerina na hindi naman nila hinahangad na matalo ang mga kilala at malalakas ng atleta mula sa iba’t-ibang bansa, ngunit gusto nilang maipakita ang galing nito pagdating sa Rowing at mas ma-improve pa ang kaniyang skills para sa mga susunod pang kompetisyon na sasalihan nito.
Sa ngayon ay mas pagtutuonan na lamang nila ang preparasyon para sa pormal nang pagsisimula ng torneyo maging ang mga magigin laban nito sa mga susunod na araw.