Photo © Jethro Saba

NAGA CITY – Nagbunyi ang buong probinsiya ng Camarines Sur matapos ang makasaysayang laban nang Bikolanong kickboxer mula sa bayan ng Tigaon sa nasabing lalawigan sa kakatapos pa lamang na kauna-unahang Thailand World Cup na isinagawa sa Bangkok, Thailand.

Ito’y matapos na magkampeon at maiuwi ni Jethro Saba ang gintong medalya para sa Pilipinas sa nasabing kompetisyon.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Naga kay Jethro Saba, bantamweight fighter mula sa Tigaon Camarines Sur, sinabi nito ang lahat ng kanyang pagod, pagsasakripisyo sa training ay nagresulta sa tagumpay.

Aniya, sulit umano ang kanyang pagtitiyaga at mga kinaharap na mga problema dahil naging kapalit nito ang karangalan para sa bayan.

Advertisement

Dagdag pa nang atleta, hindi madali ang kanyang mga pinagdaanan patungo sa tagumpay, nangangailangan umano ito ng paglalaan ng sapat na oras, disiplina, tiwala sa sarili at suporta mula sa mga taong nakapalibot sa kanya upang magpatuloy sa kanyang piniling larangan ang kickboxing.

Si Saba ang kinatawan ng ZEUS at nang Samahang Kickboxing ng Pilipinas (SKP) na nagdomina at nag-ukit nang kasaysayan para sa Pilipinas.

Sa kabila nang halos magagaling din ang mga nakalaban ng Bikolanong atleta mula sa iba’t ibang bansa, nangibabaw pa rin ang Bikolanong bantamweight fighter bitbit ang matibay na motibasyon, focus sa laro, pagiging relax sa laban at matalinong estratehiya sa ring.

Ayon kay Saba, malaki ang kanyang pasasalamat sa Diyos at kanyang inaalay sa Pilipinas, sa kanyang koponan, pamilya at sa lahat nang sumusuporta sa kanya ang matagumpay na laban sa Thailand.

Ang 1st Thailand World Cup 2025 ang isa sa mga inaabangang kumpetisyon sa rehiyon dahil nagsisilbi itong stepping stone ng mga atleta para sa mas malalaking torneo gaya na lamang nang Asian at World Championships.

Samantala, maliban kay Saba ang delagado ng Pilipinas sa nasabing kompetisyon nakapag-uwi rin nang walong ginto, apat na pilak at 10 bronze medals.

Sa ngayon, pinaghahandaan ni Saba kasama ang National Team ng bansa para sa Kickboxing ang isasagawang Asian Open sa buwan ng Hulyo at ang Sea Games.

Advertisement