Photo © web

Bumaba na sa 365 ang bilang ng mga saradong gasolinahan sa buong bansa, ayon sa Philippine National Police (PNP), habang unti-unti nang nagbabalik-operasyon ang ilan matapos matugunan ang kakulangan sa suplay ng fuel.

Sa isang press briefing nitong Lunes, sinabi ni PNP spokesperson Police Brigadier General Randulf Tuaño na patuloy na minomonitor ng mga awtoridad ang kabuuang 14,519 gasolinahan sa buong bansa.

Ayon kay Tuaño, mula sa 369 na saradong establisyimento noong Marso 29, bumaba ito sa 365 pagsapit ng Marso 30. Noong Biyernes, umabot pa sa 425 ang bilang ng mga hindi nag-ooperate na gasolinahan.

Ipinaliwanag ng PNP na ang pagbaba sa bilang ay indikasyon na nakapag-secure na ng sapat na suplay ang ilang gasolinahan kaya muling nagbukas ang kanilang operasyon.

Advertisement

Dagdag pa ni Tuaño, ang pangunahing dahilan ng pagsasara ng mga gasolinahan ay ang kakulangan ng fuel stock.

Sa kasalukuyan, nakikipag-ugnayan na ang PNP sa Department of Energy (DOE) upang masuri ang kalagayan ng suplay ng langis at matiyak ang pagsunod ng mga fuel retailer sa umiiral na regulasyon.

Advertisement