NAGA CITY – Patay ang isang binata matapos pagsasaksakin ng sariling ama sa Purok 4, Brgy. Balubal, Sariaya, Quezon.

Kinilala ang biktima na si Edrian Quejano, 19-anyos, residente ng nasabing lugar.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office, napag-alaman na bago ang naturang insidente napagalitan ng suspek na si Arnold Quejano, 46-anyos, ang biktima dahil hindi nito nagawa ang mga gawaing bahay.

Dahil dito, nagkaroon ng mainit na argumento ang mag-ama.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga awtoridad, napag-alaman na habang papaalis na si Arnold para bumili ng balut, bigla na lamang itong inatake at sinuntok ni Edrian.

Samantala, para naman madepensahan ang sarili, agad na binunot ng suspek ang kaniyang bolo at sinaksak ang biktima sa kaliwang tagiliran at kanang bahagi ng tiyan nito.

Agad namang dinala ni Arnold ang kaniyang anak sa ospital matapos ang nasabing insidente para sa asistensya medikal ngunit tuluyan din itong binawian ng buhay habang ginagamot ng mga doktor.

Sa ngayon, nasa kustodiya na ng mga awtoridad ang suspek para sa karampatang disposisyon.