Binawasan ng 30% hanggang 50% ng mga bus company ang kanilang biyahe papuntang Baguio City dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng langis sa bansa, ayon sa Baguio City Public Information Office.
Sinabi ni Police Lieutenant Colonel James Allen Dogao ng Baguio City Police Office–Traffic Enforcement Unit na mas humaba ang pagitan ng biyahe, na umaabot na sa dalawang oras o higit pa kada alis, mula sa dating 30 minuto hanggang isang oras lalo na tuwing peak season.
Napansin din umano ang pagbaba ng bilang ng mga sasakyan papasok at palabas ng lungsod. Gayunman, tiniyak ng mga bus company na ibabalik ang regular na biyahe kung dadami ang mga turista sa darating na Holy Week at sa tag-init.
Ang hakbang na ito ay bahagi ng pagsasaayos ng mga operator ng pampublikong transportasyon sa gitna ng tumataas na presyo ng langis at pagtaas ng operational costs.









