NAGA CITY – Patay ang isang barangay kagawad matapos pagbabarilin sa Pamplona, Camarines Sur.

Kinilala ang biktima na si Kgwd. Rodel Nacion Dacian, 40-anyos residente ng Zone 1, Brgy. Tampadong sa nasabing bayan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay PCapt. Antonio Per Jr., hepe ng Pamplona Municipal Police Station, sinabi nito na tila sinadya ang pagpatay kay Dacian.

Dagdag pa nito, ayon umano sa mga kapamilya ng biktima ay wala namang kaaway ang kagawad kung kaya hindi malaman ng mga otoridad kung ano ang totoong motibo ng krimen.

Una rito, dakong alas-7 umano ng umaga nang umalis ang biktima sa kanilang bahay kasama ang nanay nito ngunit tila sinundan umano ang mga ito ng tatlong hindi pa nakikilalang indibidwal hanggang sa pag-uwi sa kanilang bahay.

Sinabi pa ni Per na pagkarating pa lamang ng biktima sa kanilang residensiya at hindi pa nga nakakababa sa motorsiklo nito nang pagbabarilin na ito ng isa sa mga suspek.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga otoridad, nabatid na nagtamo ng mga tama ng bala ang biktima sa likod nito at isa rin sa may batok na tumagos pa umano sa mukha nito.

Dahil dito, agad naman sanang dinala sa ospital si Dacian ngunit binawian din ng buhay dahil sa mga tinamong tama ng bala ng baril.

Sa ngayon, patuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon ng mga otoridad lalo na ang pagtukoy sa motibo sa krimen gayundin ang pagtunton at para rin sa posibleng pagkakakilanlan ng mga suspek.