Iginiit ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na ang pagbaba ng halaga ng piso laban sa dolyar ay hindi laging masama sa ekonomiya, dahil nakatutulong ito sa ilang sektor tulad ng eksportasyon at remittance ng mga OFW.
Ayon kay BSP Governor Eli Remolona Jr., ang piso na lumampas na sa P60 kada dolyar ay nakakatulong sa pagpapababa ng current account deficit at pagpapalakas ng sektor ng eksportasyon. Naitala ang all-time low na P60.30 noong Marso 23, tatlong linggo matapos ang tensyon sa Middle East. Sa ngayon, nananatili ang palitan sa P60.23 dahil sa mataas na demand sa dolyar at pagtaas ng presyo ng langis.
Nakatutulong ang mataas na palitan sa mga OFW dahil lumalaki ang halaga ng remittance, at nakikinabang ang BPO at turismo dahil mas kompetitibo ang kanilang serbisyo. Gayunpaman, tumataas ang presyo ng petrolyo, pagkain, at kuryente na nagpapababa sa purchasing power ng mga Pilipino.
Nilinaw ni Remolona na ang BSP ay kumikilos lamang sa merkado kapag may matinding pabago-bago, ngunit handa silang umaksyon kung maging disorderly ang patuloy na paghina ng piso.














