Photo © Web

Bumaba sa ika-49 na puwesto sa Women’s Tennis Association (WTA) live rankings ang Filipina tennis star na si Alex Eala matapos mag-expire ang mga puntos na kanyang nakuha sa nakaraang Miami Open.

Nawala kay Eala ang kabuuang 390 puntos na nakuha niya matapos makapasok sa semifinals ng Miami Open noong nakaraang taon.

Dahil dito, bumaba ang kanyang kabuuang puntos mula 1,525 hanggang 1,145, na naging dahilan upang bumagsak ang kanyang ranggo mula sa career-best na ika-29 na puwesto.

Sa kasalukuyang edisyon ng Miami Open, nakapasok si Eala bilang ika-31 seed kaya nakakuha siya ng first-round bye at awtomatikong umusad sa round of 64. Dahil dito ay nadagdagan siya ng 10 puntos.

Advertisement

Gayunman, hindi sapat ang nasabing dagdag upang mapunan ang malaking puntos na nawala sa kanya mula sa nakaraang torneo.

Sa sistema ng WTA, awtomatikong nawawala ang puntos ng isang manlalaro makalipas ang 52 linggo at pinapalitan ng pinakahuling resulta sa mga torneo.

Dahil dito, mahalaga para kay Eala na makakuha ng magandang resulta sa kasalukuyang Miami Open upang makabawi ng puntos at muling makabalik sa Top 30 ng WTA rankings.

Bagama’t bumaba ang kanyang ranggo, nilinaw na hindi ito dahil sa pagkatalo kundi sa pag-expire ng mga puntos mula sa nakaraang kompetisyon. Kaya inaasahan ang mas matinding performance ni Eala sa kasalukuyang torneo.

Advertisement