NAGA CITY- Patay ang isang lalaki matapos ang isinagawang buy-bust operation na nagresulta sa armed confrontation sa Camaligan, Camarines Sur.

Kinilala ang suspek na si Jimmy Alvarez, residente ng Brgy. Mabolo, Naga City.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Camarines Sur Police Provincial Office, napag-alaman na kasama si Alvarez sa City Recalibrated Priority Database on Illegal Drugs.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga otoridad, nabatid na una nang nakabili ang isang pulis ng iligal na droga na pinaniniwalaang shabu sa suspek ngunit ng mapansin ni Alvarez ang presensiya ng mga otoridad, dito na nagkaroon ng palitan ng putok.

Dahil dito, nagtamo ng mga tama ng bala ang suspek na nagresulta sa kaniyang kamatayan.

Samantala, narekober naman sa pinangyarihan ng insidente ang iba’t-ibang klase ng baril, isang piraso ng fired 9 mm cartridge, isang piraso ng medium size heat-sealed transparent sachet ng pinaniniwalaang shabu na nagkakahalaga ng P20,500.00 at mga drug paraphernalia.

Sa ngayon, nagpapatuloy pa rin ang imbestigasyon ng mga otoridad.