NAGA CITY – Sugatan ang isang sibilyan matapos magresulta sa armed confrontation ang isinagawang buy-bust operation sa Brgy Balat Atis, San Antonio, Quezon.
Kinilala ang biktima Juvy De Guzman Hiwatig, 27-anyos, residente ng nasabing lugar.
Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office, napag-alaman na matapos na makabili ang isang pulis na nagpanggap na poseur buyer sa suspek ng dalawang piraso ng heat sealed transparent plastic sachet ng pininiwalaang shabu, napansin ng suspek na kinilalang si Tirso Cura Lanto, residente ng nasabing lalawigan, na mga pulis ang kaniyang ka-transaksyon.
Dahil dito, agad na pinaputukan ng baril ng suspek ang mga otoridad habang papatakas ito.
Ngunit sa kasamaang palad ay nadamay ang sibilyan na si Hiwatig kung saan natamaan ito ng bala ng baril sa kaniyang kanang binti na agad namang naidala sa ospital para sa asistensya medikal.
Samantala, narekober naman ang dalawang pirasong heat-sealed transparent sachet ng pinaniniwalaang shabu mula ki Lanto.
Sa ngayon, patuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon ng mga otoridad, lalo na ang pagtunton sa kinaroroonan ng nasabing suspek.