Inanunsyo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. nitong Huwebes, Marso 26 ang matagumpay na drilling at testing ng Camago-3 well, bilang ikalawang major milestone ng $893 million Malampaya Phase 4, na naglalayong magbigay ng abot-kaya at maasahang enerhiya sa bansa.
Ayon kay Marcos, ang Camago-3 well ay nakabuo ng hanggang 60 milyong standard cubic feet ng gas kada araw at tinatayang may 2.5 beses na mas maraming recoverable gas kumpara sa Malampaya East-1 discovery. Pinapakita nito ang potensyal na pahabain ang buhay ng Malampaya gas field ng anim na taon.
Ani Marcos, ang gastos sa Malampaya gas ay ₱4.80 kada kilowatt-hour, kumpara sa ₱10.30 ng imported LNG, na higit sa doble. “Every unit of power we generate from Malampaya instead of imported fuel is money saved by households, by small businesses, by every Filipino who pays an electricity bill,” dagdag niya.
Binanggit din ng Pangulo na ang matagumpay na milestone na ito ay bahagi ng kampanya ng pamahalaan na matiyak ang sapat at abot-kayang suplay ng enerhiya para sa bawat Pilipino sa gitna ng global energy challenges.














