Iniulat nang Camarines Norte Police Provincial Office na wala silang namomonitor na seryosong banta kasabay sa nagpapatuloy na 2025 National and Local Election ngayong araw.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay PMAJ Marvin Hugos, PIO ng Camarines Norte PPO, sinabi nito na mas pinahigpit pa nang kanilang hepatura ang pagbabantay sa iba’t ibang lugar lalo na sa mga voting center at itinuturing na mainit ang pulitika sa labindalawang Munisipalidad sa kanilang lugar.
Kahapon, araw ng Linggo muling umikot ang pamunuan nang nasabing hepatura sa buong lalawigan
Ang pagbisitang ito ay bahagi ng masusing paghahanda ng Police Regional Offcie-5 upang tiyakin ang kaligtasan, kaayusan, at kapayapaan ngayong araw.
Sa kanilang pag-iikot, kanilang ininspeksyon ang Provincial Election Monitoring and Action Center (PEMAC) at Media Action Center (MAC) ng Camarines Norte PPO.
Layunin ng inspeksyon na suriin ang kahandaan ng mga tauhan, kagamitan, at mga protocol na ipinatutupad upang masiguro ang maayos at mapayapang
botohan.
Masusing sinuri ang mga communication facilities, monitoring systems, at contingency plans ng Provincial Election Monitoring and Action Center (PEMAC) at Media Action Center (MAC.
Tiniyak nilang ang lahat ng mga kagamitan ay nasa maayos na kondisyon, at ang mga personnel ay handa sa anumang sitwasyon na maaaring mangyari ngayong araw. Pinuri rin nila ang kahandaan ng mga force multipliers na katuwang ng PNP sa pagbibigay-seguridad sa mga polling centers.
Binisita rin ang mga PNP personnel na nakatalaga sa iba’t ibang polling centers sa probinsya.
Kinumusta ang kanilang kalagayan at binigyang-diin ang kahalagahan ng kanilang tungkulin sa pagpapanatili ng kaayusan at kapayapaan ngayong araw.
Ayon pa kay Hugos, patuloy ang pagbabantay ng kanilang mga tauhan at pagsasagawa ng mga intelligence gathering para matiyak ang kaligtasan ng publiko na pupunta sa mga presinto upang bomoto.
Mas pinahigpit pa nang Camarines Norte Police Provincial Office ang kanilang police visibility at mayroon rin na inilatag na boarder controls lalo sa may bahagi ng Santa Elena.
Dagdag pa nang opisyal, maliban sa kanilang mga tauhan katuwang rin nila ang mga security personnel mula sa Headquarters upang matiyak na ligtas at walang nararamdamang takot ang mga botante.
Dahil nakabandera pa rin ang full alert status sa buong lalawigan bilang hakbang upang maiwasan ang mga karahasan sa ngayong araw ng eleksyon nananatiling generally peaceful ang kanilang lugar at nakatutok ang kanilang hanay sa mga lugar na nararamdaman ang tensyon.
Sa ngayon, patuloy ang kanilang gagawing pagbabantay sa buong lalawigan para matiyak ang kaligtasan ng publiko.