Itinanghal bilang overall champion ang Probinsya ng Camarines Sur sa Regional Private Schools Athletic Association (PRISAA) Bicol Region.

Matagumpay na naidaos sa lalawigan ng Camarines Norte ang Regional Prisaa Games 2026, na nagsimula sa Cathedral of the Most Holy Trinity at sinundan ng makulay na parada sa mga pangunahing kalsada patungo sa Eco-Athletic Field. Lubos na ikinatuwa ng mga mamamayan ang pagbisita ng mahigit 2,500 delegado mula sa iba’t ibang lalawigan ng Bicol Region.

Sa panayamng Bombo Radyo Naga kay Edwin Datan Jr. Spokesperson, Mabini Colleges Inc., sinabi nito na sa kauna-unahang pagkakataon na nag-host ang Mabini Colleges ng naturang palaro, na naging memorable dahil sa mga bagong pakulo gaya ng fireworks display, parada, at mga social gatherings tulad ng Mayor’s Night at Governor’s Night. Mahigpit na ipinatupad ang seguridad sa tulong ng Camarines Norte Police Provincial Office, MDRRMO, Bureau of Fire Protection, at iba pang katuwang na ahensya.

Sa Youth Division (High School), nanguna ang Camarines Sur, sinundan ng Albay Camarines Norte, Sorsogon, at Masbate.

Advertisement

Sa Senior Division (College), muling namayagpag ang Camarines Sur, pumangalawa ang Sorsogon, Albay, Camarines Norte, at Masbate, na nakapagtala ng kanilang kauna-unahang gold medal sa Javelin Throw.

Sa kabuuan, nanguna ang Camarines Sur, sinundan ng Sorsogon, Albay,Camarines Norte at Masbate.

Sa huling araw ng palaro, pormal na idineklara ang Camarines Sur bilang overall champion ng Regional Prisaa Games 2026. Kasabay nito ang turnover ng hosting rights sa Camarines Sur para sa susunod na taon. Tampok din ang raffle na eksklusibo para sa mga atleta at coaches, kung saan ipinamigay ang mga premyong aircon, desktop computers, sports shoes, cellphones, at gift certificates mula sa mga sponsors.

Nagpahayag ng taos-pusong pasasalamat ang pamunuan ng Mabini Colleges at lokal na pamahalaan ng Daet sa lahat ng tumulong upang maging matagumpay ang pagdaraos ng palaro. Pinuri rin ang disiplina at sportsmanship ng mga atleta, na nagbigay-diin sa pagkakaisa at pagkakaibigan ng buong rehiyon

Advertisement