NAGA CITY- Maagang pinalilikas ni Camarines Sur Gov. Migz Villafuerte ang mga residente ng lalawigan na nasa high risk area, dahil sa posibleng panganib na dala ng bagyong Quinta.
Batay sa dalawang pahina ng kalatas na inilabas ni Villafuerte nitong Sabado ng hapon, itinaas agad ang red alert status sa buong probinsya bilang parte ng kanilang pinaigting na paghahanda.
Pinagbawalan na rin ng opisyal ang anumang byahe sa karagatan, maging bangka o malalaking sea vessel, simula nitong hapon.
Inabisuhan pa nito ang mga local disaster risk reduction and management officers na pairalin na ang early warning system sa kanilang mga nasasakupan.
Mahigpit naman ang bilin ng gobernador na tiyaking nasusunod ang health protocols sa mga evacuation center.
Maging ang mga alkalde ng mga bayan na itinuturing na high risk ay naglabas na rin ng mga abiso para makapaghanda ang kanilang mga nasasakupan.