Ibinahagi ng two-time Olympic gold medalist na si Carlos Yulo at ng kanyang nobyang si Chloe San Jose ang kanilang prenup photoshoot na ginanap sa Japan, kasabay ng paggunita sa kanilang pinagdaanang mga pagsubok at masasayang sandali bilang magkasintahan.
Sa magkakahiwalay na social media posts, kapwa nagpahayag ang dalawa ng pasasalamat sa isa’t isa sa kabila ng mga hamon at pagsubok na kanilang hinarap sa kanilang relasyon.
Ayon kay San Jose, hindi naging madali ang kanilang pinagdaanan, ngunit nanatili silang matatag sa pamamagitan ng pananampalataya at pagmamahalan. Ipinahayag din niya ang kanilang hangaring patuloy na abutin ang mga pangarap at buuin ang kanilang kinabukasan nang magkasama.
Samantala, binalikan naman ni Yulo ang kanilang love story na nagsimula noong 2020 nang una silang magkakilala, bago tuluyang magkita nang personal noong 2022. Aniya, sa Japan din nagsimula ang kanilang mas malalim na pagsasama at pagkakakilanlan sa isa’t isa.
Nagpaabot din ng pasasalamat ang gymnast kay San Jose dahil sa walang sawang pagmamahal, pag-unawa, at suporta nito sa kanya. Itinuring pa niya ang kasintahan bilang isa sa pinakamahalagang biyayang ipinagkaloob sa kanya ng Diyos.








