Nagbabala si retired Supreme Court Associate Justice Antonio Carpio na maaaring maging dehado ang Pilipinas sa planong joint oil at gas exploration kasama ang China sa West Philippine Sea, dahil posibleng bigyan nito ang Beijing ng pananaw na kontrolado nila ang likas na yaman sa pinagtatalunang karagatan.
Sa kanyang pagbisita sa Pag-asa Island, sinabi ni Carpio na ang tinatawag na “joint development” ay maaaring maging bitag para sa bansa. Aniya, sa pananaw ng China, ang naturang kasunduan ay nangangahulugang pagmamay-ari nila ang langis, gas, at iba pang likas na yaman.
Ipinakita rin sa kaniya ng Philippine Coast Guard ang mga istrukturang itinayo ng China sa Panganiban Reef, na nasa loob ng exclusive economic zone ng Pilipinas, pati na rin ang presensya ng Chinese maritime militia vessels sa Sabina Shoal.
Nauna nang sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na bukas siya sa muling pakikipag-usap sa Beijing para sa joint energy exploration, habang ayon kay Maria Theresa Lazaro, wala pang aktwal na kasunduan sa ngayon ngunit maaari itong mangyari sa hinaharap.
Samantala, sinabi ng Chinese Embassy sa Maynila na may “positive progress” ang usapin at nagkaroon ng “in-depth discussions” sa pagitan ng dalawang bansa. Kasabay nito, nagkaroon muli ng pag-uusap sa ilalim ng ika-11 Bilateral Consultation Mechanism sa Fujian, kung saan tinalakay ang West Philippine Sea at ang Code of Conduct, ngunit nananatiling exploratory ang usapan, ayon kay Leo M. Herrera-Lim.
Nanatiling sensitibo ang isyu ng joint exploration dahil sa soberanya at magkakapatong na territorial claims, at patuloy na iginigiit ng China ang kontrol sa malaking bahagi ng South China Sea sa kabila ng desisyon ng international tribunal noong 2016 na nagsabing “no legal basis” ang kanilang claim.














