Inakusahan ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano si Teodoro Herbosa ng umano’y pagpo-politicize sa pondo ng gobyerno matapos umanong alisin ang kanyang kakayahang mag-refer ng mga pasyente sa mga ospital.
Sa isang fellowship lunch, iginiit ni Cayetano na bahagi ng kanyang tungkulin bilang mambabatas ang pagbubunyag ng mga problema sa sistema ng kalusugan ng bansa. Ayon sa senador, may mga kaibigan umano siya sa Department of Health (DOH) na nagsabing hindi na siya maaaring magpadala o mag-refer ng mga pasyente sa mga ospital.
Sinabi rin ni Cayetano na handa siyang humanap ng ibang paraan upang matulungan ang mga nangangailangan ng serbisyong medikal. Aniya, maaari pa siyang maglaan ng transportasyon upang maihatid ang mga pasyente sa mga pagamutan kung kinakailangan.
Matatandaang noong Enero, sinabi ni Herbosa na hindi na kinakailangan ng mga mahihirap na pasyente ang guarantee letters (GL) mula sa mga politiko upang makatanggap ng tulong medikal sa ilalim ng Zero Balance Billing program ng DOH.
Ipinaliwanag noon ng kalihim na ipinagbabawal na rin ang paggamit ng GL sa mga government hospital para sa Medical Assistance to Indigent and Financially Incapacitated Patients (MAIFIP) program bilang bahagi ng mga bagong patakaran na ipinatupad ngayong taon.
Pinuna rin ni Cayetano ang umano’y hindi sapat na paggamit ng pondo ng DOH sa ilang mahahalagang programang pangkalusugan, kabilang ang flu vaccination. Dahil dito, nanawagan siya kay Sherwin Gatchalian na tutukan ang isyu ng umano’y pamumulitika sa pondo sa ilalim ng DOH.
Sa ngayon, wala pang inilalabas na pahayag ang DOH kaugnay ng mga alegasyong ibinato ng senador.














