NAGA CITY- Inilalarawan ngayon ng ilang residente bilang isang ghost town ang centro ng Naga City matapos ang pananalasa ng Bagyong Kristine sa Bicol Region.
Ito ay matapos masilayan ng mga residente ang mga nagkalat na mga tambak na basura at matinding putik sa kakalsadahan, at mga gamit na nasira mula sa mga establisyemento na hindi na pwedeng pakinabangan. Gayundin ang masangsang na amoy.
Kaugnay nito, nanawagan ang CEPPIO-Naga sa patuloy na pagtutulungan sa gitna ng malaki at malawak na epekto ng Bagyong Kristine sa buong lungsod.
Sa naging pagharap sa mga kagawad ng media ni Allen Reondanga, Head ng CEPPIO-Naga, sinabi nito na kailangan ang matibay at patuloy na pagtutulungan upang agad na maibalik sa dati ang buong lungsod lalo na ang business district ng lungsod.
Ito ay sa gitna ng nakakalungkot na epekto dulot ng pananalasa ni Bagyong Kristine na nag-iwan ng mga casualties, nasirang mga bahay, pasilidad, establishments at iba pa.
Dagdag pa ng opisyal, ang agad na pagbangon ng buong lungsod ay makakatulong sa mga maliliit na negosyo na makabangon rin upang maiwasan humaba pa ang economic problems na kinakaharap ngayon.
Maaalala, ipinatupad ang price freeze sa lungsod sa mga produktong agrikultural sa Naga City na ipinalabas ng Department of Agriculture – Bicol. Kung saan, tanging mga prime commodities lamang tulad ng kape, asukal, gatas, mineral water at regular mill na mga bigas lamang ang kasali dito.
Sa kabilang banda, kailangan pa rin ang dagdag na donasyon upang maipagpatuloy ang relief operations na ikinakasa sa buong lungsod.
Kaugnay nito, malaki naman ang pasasalamat ni Reondanga sa mga tumutulong na ahensya, grupo, at kay dating Bise Presidente Atty. Leni Robredo para sa dagdag na tulong sa relief operations.
Ang mga donasyon na ipinaabot sa lungsod ay bumabagsak sa Central Donation Management Center sa Pagcor Evacuation Center na kung saan mayroong ikino-convert na area bilang donation drive.
Aniya, nabuo ang isang relief operation team sa lungsod upang maghatid ng tulong sa mga naapektuhan ng nasabing bagyo.
Sa ngayon, marami umanong aral ang natutuhan ang lahat ng mga Bicolano sa nagdaang kalamidad.