NAGA CITY- Makakatulong umano ang cha-cha o charter change sa pagpapaganda ng kalagayan ng ekonomiya sa bansa lalo na ngayon na paunti-unti nang bumabangon ang Pilipinas sa epekto ng pandemya.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Ako Bicol Partylist Representative, Cong. Jil Bongalon, sinabi nito na malaki ang magiging tulong ng pag-amyenda sa 1987 constitution, dahil posibleng mabago nito ang ilang restrictions na nakapaloob dito.
Inihalimbawa ng opisyal ang pagdating sa usapin sa pagnenegosyo, dahil mayroong mga batas na nagbabawal sa mga foreigner na magkaroon ng full ownership sa isang negosyo sa bansa.
Habang ang iba naman ay kinakailangan na mayroong ka-sosyong Pilipino at dapat na mahati ito sa 60/40%, kung saan 60% ang pagmamay-ari ng mga Pilipino.
Pero kung sakaling maamyendahan umano ang konstitusyon at mabigyan ng full ownership ang mga dayuhan sa mga negosyo sa Pilipinas mas maraming negosyante ang maeenganyo na pumunta at magnegosyo sa bansa.
Sa paraan nito mas magiging malago ang kalagayan ng ekonomiya ng Pilipinas na makakatulong lalo na sa mga mahihirap na mga mamamayan.
Sa pagdami ng mga negosyante na pumapasok sa bansa makakapagbigay ito ng oportunidad sa mga Pinoy na magkaroon ng trabaho na hindi na kinakailangan na lumabas pa ng bansa.
Ito ang nakikitang rason ni Congressman Bongalon kung bakit kailangan na maamyendahan na ang batas ng Pilipinas upang makasabay sa mga pagbabago sa kapaligiran at kalagayan ng Pilipinas sa kasalukuyan.