Nanawagan ang China sa Pilipinas na agad itigil ang umano’y “maritime infringement at provocation” sa West Philippine Sea, kasabay ng babala na maaari itong magpatupad ng mas matitinding hakbang.

Sa pahayag ni Ji Lingpeng, sinabi ng embahada na handa ang China na magsagawa ng “strong measures” upang protektahan ang kanilang inaangking teritoryo at maritime rights.

Ito ay tugon sa naunang pahayag ng National Maritime Council na kumondena sa umano’y agresibo at mapanganib na kilos ng China Coast Guard at iba pang pwersa sa nasabing karagatan.

Itinanggi naman ng Chinese Embassy ang alegasyon ng Pilipinas at tinawag itong “gawa-gawa lamang” upang sirain ang imahe ng China at iligaw ang opinyon ng publiko. Iginiit din nila na ang kanilang mga aksyon ay naaayon sa United Nations Convention on the Law of the Sea.

Advertisement

Sa kabilang banda, inakusahan ng China ang Pilipinas ng paglabag sa kanilang soberanya at karapatang pandagat, habang muling iginiit ang panawagan na bumalik sa dayalogo at konsultasyon upang maresolba ang sigalot.

Matatandaang noong 2016, nagpasya ang isang international arbitral tribunal sa The Hague pabor sa Pilipinas at nagsabing walang legal na basehan ang malawak na pag-aangkin ng China sa South China Sea, bagaman hindi ito kinilala ng Beijing.

Advertisement