NAGA CITY- Patuloy ang isinasagawang background investigation ng Naga City Police Office patungkol sa isang Chinese National na nag-aalok umano ng sexual favors sa taong nakakasalubong nito kapalit ng pera.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay PLT.Col Chester Pomar, tagapagsalita ng Naga City Police Office sinabi nito na nakatanggap umano ang kanilang hepatura ng reklamo patungkol sa isang post sa social media na mayroong isang Chinese National na nag-alok ng pakikipagtalik sa isang menor de edad sa kasentruhan ng lungsod ng Naga.

Kaugnay nito, kaagad na umaksyon ang mga tauhan ng NCPO at kanilang natunton ang biktima maging ang suspek na hindi na pinangalanan.

Batay sa salaysay ng biktima na isang menor de edad, lumapit aniya sa kanya ang naturang Chinese National at mayroong pinapabasa gamit ang translator sa cellphone nito.

Dito na napag-alaman na kinukumbinsi pala ng suspek ang biktima na makipagtalik ito sa kanya kapalit ng pera. Kaagad naman na tumanggi ang biktima ngunit imbes na tuluyang umalis tinaasan pa umano nito ang inaalok na pera sa halagang sampung libong peso o P10,000 .

Kaagad na inaresto ang suspek ngunit kaagad rin na pinalaya matapos na iatras ng biktima ang reklamo nito.

Ayon kay Pomar, kahit nakalaya na ang nasabing Chinese National patuloy naman ang kanilang isinasagawang imbestigasyon lalo pa’t nakaka-alarma umano ang ganitong mga insidente.

Samantala, muli ring pinayuhan ni Pomar ang publiko na kung enkaso mabiktima ng ganitong pangyayari ituloy umano ang pagreklamo upang mabigya ng leksyon ang mga taong nananamantala ng iba.

Sa ngayon, pinaigting na nang Naga City Police Office ang kanilang Police Visibility lalo na sa kasentruhan ng Naga City upang maiwasan ang ganitong insidente.