NAGA CITY- Nagpapatuloy ang isinasagawang clean up drive ng Solid Waste Management Office (SWMO) ng lungsod ng Naga matapos ang naging pananalasa ni Bagyong Quinta.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Joel Martin, head ng SWMO sa nasabing lungsod, sinabi nito na katulong nila dito ang mga volunteer at laging nagpapahiram sa kanila ng dump trucks maging ng mga heavy equipments.
Dahil naman dito, labis rin umano ang pasasalamat ni Naga City Mayor Nelson Legacion sa mga nakakatulong nila sa ganitong mga panahon.
Inaasahan naman na sa loob ng tatlo hanggang limang araw ay matatapos na ang kanilang paghakot ng mga sanga-sanga ng kahoy sa mga kalsada na naputol dahil sa naturang bagyo.
Inamin rin nito na nahihirapan sila at hindi naipagpapatuloy ang paglilinis sa mga kalsada lalo na kung gabi.
Ngunit sa kabila nito, sinabi naman ni Martin na mas magaan ang iniwan ni Bagyong Quinta sa naturang lungsod kumpara sa mga naunang bagyo.
Samantala, nagpasalamat naman ito sa mga pribadong ahensiya na nakikipagtulungan para sa mas mabilis na trabaho.