Photo © web

Iginiit ng Philippine Coast Guard na ang idineklarang “clearing operations” ng China Coast Guard sa Bajo de Masinloc ay layong takutin at paalisin ang mga mangingisdang Pilipino sa lugar.

Ayon kay Rear Admiral Jay Tarriela, naglabas ng abiso ang China Coast Guard na lisanin ng mga sasakyang pandagat ang isang tinukoy na lugar mula alas-11 ng umaga hanggang alas-6 ng gabi, ngunit hindi malinaw kung ano ang tunay na kahulugan ng “clearing operations.”

Naniniwala ang PCG na bahagi lamang ito ng taktika ng China upang hadlangan ang pangingisda ng mga Pilipino sa naturang shoal, na matagal nang pinagtatalunang teritoryo.

Sa kabila ng babala, mahigit 20 bangkang pangisda ng mga Pilipino ang nananatili sa lugar. Hindi rin inirekomenda ng PCG sa mga mangingisda na umalis, upang hindi umano magmukhang kinikilala ang naturang banta.

Advertisement

Ipinunto ni Tarriela na hindi ito ang unang pagkakataon na nagdeklara ang China ng mga kahalintulad na aktibidad, gaya ng umano’y naval exercises na kalaunan ay hindi naman isinagawa.

Samantala, patuloy umanong hina-harass ng mga barko ng China ang mga mangingisdang Pilipino, kabilang ang paggamit ng maliliit na bangka upang itaboy ang mga ito at mapanganib na paglapit ng malalaking sasakyang pandagat.

Bilang tugon, nagpadala ang PCG ng mga barko upang tiyakin ang kaligtasan ng mga mangingisda, habang nagdeploy din ng mga sasakyang pandagat ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources upang magbigay ng tulong at suplay.

Sa isinagawang monitoring flight, naitala ang presensya ng isang barkong pandigma, anim na barko ng China Coast Guard, at 15 sasakyang pandagat ng maritime militia sa paligid ng Bajo de Masinloc.

Sa kabila nito, tiniyak ng PCG na patuloy na ipagtatanggol ng Pilipinas ang karapatan nito at ng mga mangingisda sa nasabing lugar.

Advertisement