Iniutos ng Commission on Audit (COA) sa Social Security System (SSS) na isauli ang ₱5.59 milyon sa supplier ng Unified Multi-Purpose Identification (UMID) card matapos matukoy na walang sapat na legal na batayan ang ipinataw na liquidated damages.
Sa desisyong inilabas ng COA En Banc noong Marso 5, 2026, bahagyang pinaboran ang money claim na inihain ng Allcard Plastics Philippines Inc. laban sa SSS.
Ayon sa COA, mali ang naging desisyon ng SSS na kaltasan ang kumpanya ng ₱5,590,812.63 bilang liquidated damages dahil sa umano’y pagkaantala sa pag-develop at pag-customize ng UMID card chip applications sa ilalim ng kontratang inilabas noong 2015.
Iginiit ng supplier na walang legal o kontraktwal na batayan ang naturang kaltas. Matapos suriin ang mga dokumento, kinatigan ito ng COA at nagpasya na dapat ibalik ng SSS ang buong halaga.
Isinumite rin ng Allcard sa COA ang mga Certificates of Acceptance na inilabas ng SSS noong Enero 22, 2018, bilang patunay na matagumpay nitong natupad ang mga kinakailangan sa proyekto, kabilang ang personalization ng UMID card gamit ang kumpletong program.
Nabanggit din sa desisyon na ang mga sertipikong ito ay patunay na kinilala ng SSS ang pagsunod ng kumpanya sa mga obligasyon nito sa kontrata, kabilang ang pagsasagawa ng acceptance tests at ang turnover ng UMID card chip applications.
Gayunman, hindi pinaboran ng COA ang hiling ng kumpanya para sa interest at attorney’s fees dahil wala itong hurisdiksyon upang tukuyin ang naturang mga halaga.
Nauna nang napanalunan ng joint venture ng Allcard Plastics Philippines Inc. at Stradcom Corporation ang bidding para sa proyekto ng UMID card ng SSS.









