NAGA CITY- Inilatag na ng Coast Guard Camarines Sur ang mga panuntunang dapat sundin ng mga lalahok sa Fluvial Procession sa Naga City.
Ayon kay CG Commander Christian Jazmin, Coast Guard Station Camarines Sur Commander, ipinaliwanag niya na dapat maging mapagmatyag ang mga deboto at lahat ng sasali sa prusisyon sa mga senaryo na maaaring mangyari.
Ang mga nakasakay sa pagoda ay dapat ding magsuot ng life vests o life jacket at bawal uminom o nasa impluwensya ng alak. Dagdag pa rito, magbibigay ang simbahan ng listahan ng mga makakasakay sa pagoda kung saan base sa payo ng MARINA, 200 katao lamang ang maaaring ma-accommodate sa nasabing pagoda.
Para naman sa mga paddlers, pinapayagan silang walang life vest pero may naka-standby na coast guard sa tabi nila para kung sakaling kailanganin ay agad silang tumugon.
Sinabi pa ni Jazmin na mayroong dalawang koponan na mag-iinspeksyon sa Danlugan at Landingan bago ang prusisyon upang matiyak na walang mga insidente.
Dagdag pa ng opisyal, lahat ng ruta ng pagoda ay may mga naka-standby na tauhan upang matiyak na walang tatawid sa ilog.
Maliban pa dito, hindi na papayagan ang mga tao sa tulay bilang pag-iingat upang hindi na maulit ang trahedyang naganap noon sa pagdiriwang ng Fluvial Procession o ang tinatawag na Colgante tragedy.
Sa ngayon, hinihingi niya ang kooperasyon ng lahat ng lalahok sa aktibidad upang maging matagumpay at mapayapa ang Fluvial Procession ngayong taon.