NAGA CITY- Dahil sa masamang panahon dulot ng tropical depression Kristine, nag-abiso ang Philippine Coast Guard (PCG) ng kanselasyon ng biyahe ng sasakyang pandagat sa ilang lugar sa Bicol region.
Nagpalabas ang Coast Guard Station Camarines Norte, ng travel advisory sa pagsuspinde ng mga biyahe sa lahat ng sasakyang pandagat na may bigat na 250 gross tonnage pababa.
Sa nagin panayam ng Bombo Radyo Naga kay Coast Guard Jason Lavadia, Commander coast guard station Camarines Norte, sinabi nito na layuning ng kanilang ipinalabas na advisory ay upang maiwasan ang matinding pinsala ng naturang sama ng panahon.
Aniya kahit pa man gale warning ay nagpapalabas na sila ng nasabing abiso upang maiwasan ng mga mangingisda na pumalaot sa karagatan.
Sa kasalukuyan, may mga pabugso-bugsong malalakas na pag-ulan sa kanilang lugar dulot ng nasabing tropical depression, maging ang alon ng karagatan ay umabot na sa 4.5 meters ang taas na pinakadelikado na para sa mga sasakyang pandagat lalong lalo na ang mga maliliit na sasakyan.
Kaugnay nito, wala pa naman silang naitalang mga na-stranded na mga pasahero ngunit patuloy pa rin umano silang nakikipag-ugnayan sa mga lokal na pamahalaan partikular na sa MDRRMO.
Aniya, hindi pa man pumapasok na nasabing sama ng panahon ay nakahanda na sila kung saan, nagkakaroon naman ng follow-up meeting kasama ang iba pang ahensya upang mas lalo pang mapaigting ang kanilang preparasyon.