Patuloy na pinagtatalunan ang paggamit ng Coco Levy Fund, isang pondong nagsimula noong dekada 1970 sa ilalim ng pamumuno ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr.. Ang pondo ay mula sa buwis na kinolekta sa mga magsasaka ng niyog sa bawat benta ng kopra na layuning sana ay magamit para sa pagpapaunlad ng industriya ng niyog sa bansa.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Eduardo Mora, Chairman, Pambansang Kaisahan ng Magbubukid sa Pilipinas, ibinahagi nito na sa pagpasa ng Republic Act 11524 sa administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, inaasahang mas magiging maayos ang pamamahala at distribusyon ng pondo. Gayunman, ayon sa ilang grupo ng magsasaka, nananatili pa rin ang mabagal at komplikadong proseso ng pag-access sa mga benepisyo nito.
Ibinabato ng mga organisasyong gaya ng Pambansang Kilusan ng mga Samahang Magsasaka (PKMP) ang ilang suliranin tulad ng mahigpit na requirement sa rehistrasyon, pagiging limitado sa mga kooperatiba, at kakulangan ng direktang representasyon ng mga magsasaka sa pamamahala ng pondo. Dagdag pa rito, nahahati ang pondo sa maraming ahensya ng pamahalaan na nagiging sanhi ng mas mabagal na implementasyon ng mga programa.
Ayon sa mga magsasaka, higit nilang kailangan ang agarang solusyon sa kanilang kabuhayan tulad ng pagtaas ng presyo ng kopra at whole nut kaysa sa mga training at pautang na hindi naman agad nakakatulong sa kita. Iginiit din nila na mas nararapat ang mas direktang suporta sa produksyon at merkado upang maibsan ang kanilang paghihirap.
Sa kasalukuyan, nananatiling isyu ang epektibong paggamit ng tinatayang bilyun-bilyong pisong Coco Levy Fund. Patuloy ang panawagan ng mga magsasaka para sa mas malinaw, mabilis, at inklusibong sistema ng pamamahala upang tunay na makinabang ang sektor ng niyugan sa bansa.








