Tiniyak ng Commission on Elections (Comelec) na nagpapatuloy ang preparasyon para sa nakatakdang Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) sa Nobyembre 2, 2026, sa kabila ng mga ulat tungkol sa posibleng pagpapaliban.
Ayon kay Comelec Chairman George Erwin Garcia, nakatanggap ang Komisyon ng impormasyon hinggil sa umano’y planong muling ipagpaliban ang BSKE dahil sa kasalukuyang nararanasang krisis.
Aniya, hindi titigil ang Komisyon sa paghahanda ng eleksyon dahil lamang sa mga bali-balita. Ang orihinal na iskedyul ng BSKE ay nakatakda noong Disyembre 1, 2025, ngunit ito ay iniurong sa Nobyembre 2, 2026, alinsunod sa Republic Act No. 12232.
Ayon sa batas, itinakda ang BSKE sa unang Lunes ng Nobyembre at may apat na taong termino ang mga halal na opisyal. Ang huling BSKE ay isinagawa noong Oktubre 30, 2023.








