NAGA CITY – Inilarawan ng isang propesor sa lungsod ng Naga na pinaka-democratic na paraan ang Constitutional Convention (Con-Con) kung pag-uusapan ang Charter Change.
Mababatid na umarangkada na sa Senado ang pagtalakay ng pag-amyenda ng Economic Provisions.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Kenjie Jimenea, Dean ng College of Arts and Sciences sa University of Nueva Caceres, inamin nito na bilyong piso ang magagastos kung paiiralin ang Con-Con.
Aniya, sa nasabing proseso kasi, mag-eelect ng mga delegates bawat distrito o bawat lalawigan na babalangkas sa Saligang Batas.
Ibig sabihin nito, ang mapipili dito ay hindi mga pulitiko kundi mga professionals na dapat may kaalaman sa pagbalangkas ng Konstitusyon.
Ngunit dagdag pa ni Jimenea, maliban sa Con-Con, mayroon pang tinatawag na Constituent Assembly (Con-As) at Peoples Initiative.
Sa Con-As umano, mismong ang mga Senador at Kongresista ang magbabago ng Konstitusyon.
Sa nasabi ring proseso nagkakaroon ng pagdududa ang mamamayan dahil sa takot na baka i-extend ng mga Senador at Kongresista ang kanilang panunungkulan.
Habang sa Peoples Initiative naman ay maaaring direktang mag-propose ang mamamayan ngunit dapat 12% ng total registered voters nationwide ang sumulong ng pagbabago sa Saligang Batas, partikular na ang ammendment to the Constitution.
Sa ngayon, ang Constitutional Convention ang isinusulong ng mga Kongresista na gustong isabay sa barangay Elections o sa 2025 midterm elections.
Layunin nito na mabigyan ng pagkakataon ang mamamayan na pumili ng mga kwalipikadong tao na babalangkas, mag-aaral at gagawa ng mga pag-amyenda o pagbabago sa Saligang Batas ng Pilipinas.
Samantala, wala pa ring kasiguruhan kung matutuloy ang Charter Change sapagkat una na ring nagpahayag si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na hindi ito ang prayoridad ng pamahalaan.