NAGA CITY – Nakabinbin pa rin ngayon sa Senado ang isinusulong na panukalang batas na magpapatatag sa Naga City People’s Council ng lokal na gobierno ng lungsod ng Naga.
Sa naging pahayag ni Camarines Sur 3rd District Rep. Congressman Gabby Bordado, sinabi nito na una nang pinag-aralan ng lungsod ang naturang Council para lalo pa itong patatatagin.
Sa katunayan aniya, naging katulong din si Vice President Leni Robredo sa pagtalakay dito at nabuo ang People Empowerment Act na inihain sa Kamara ngunit hindi nakalusot.
Kung kaya, noong 18th Congress, muli itong inihain ni Bordado at nakapasa hindi lamang sa Comittee level kung hindi gayundin sa house of representatives.
Inaasahan sana na bago bumaba si Pangulong Rodrigo Duterte sa kaniyang pwesto, malagdaan na ang nasabing bill ngunit sa ngayon, hindi pa umano ito nabibigyan ng aksyon ng Senado.
Kinausap naman ni Bordado si Sen. Risa Hontiveros ngunit wala pa rin itong naibibigay na katiyakan lalo na’t mayroon na lamang silang tatlong session na natitira sa Senado.
Sa ngayon, umaasa si Bordado na agad na maaprobahan ang naturang bill na magiging gabay para mapatatag ang Council at makasama ang lahat ng sektor sa gobierno sa pagpapatakbo ng lokal na pamahalaan ng lungsod ng Naga.