NAGA CITY- Kinumpirma ni former Camarines Sur 1st District Rep. at former Majority Floor Leader Rolando Andaya na cancer ang dahilan ng pagkamatay ng kanyang asawa na si CamSur 1st District Rep. Marissa Andaya.

Sa opisyal na pahayag na inilabas ni Andaya, sinabi nitong halos pitong taon ding nakipaglaban sa naturang sakit ang kanyang asawa.

Ayon sa dating Kongresista, bagama’t may iniindang karamdaman, ngunit hindi aniya tumigil ang kanyang maybahay sa pagtulong sa kanyang mga kababayan kasabay ng lockdown dahil sa COVID-19.

Hanggang sa muli umanong bumalik sa Maynila noong unang linggo ng Hunyo para sa scheduled Medical Check-up.

Sa ngayon, wala pang pinal na pahayag sa funeral details at libing ngunit nag-apela ang pamilya Andaya sa publiko na maging pribado muna ang burol at pabayaan muna sila sa pagluluksa sa yumaong Kongresista.