NAGA CITY – Hihintayin na lamang umano ang magiging paggulong ng Constitutional Convention (Con-Con) sa Senado kaugnay ng isinusulong na Charter Change.
Ito ay matapos makalusot na sa 3rd and Final reading sa House of Representatives ang Resolution No. 6 calling for Constitutional Convention.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Prof. Kenjie Jimenea, Dean ng College of Arts and Sciences sa University of Nueva Caceres, sinabi nito na 300 ng super majority ng Congressmen ang bumoto pabor sa Constitutional Convention.
Ngunit sa kabila nito, hindi pa rin umano buo ang kasiyahan ng Kamara na sumusulong ng Con-Con dahil kailangan pa rin nilang hintayin ang magiging hakbang ng Senado hinggil dito.
Mababatid kasi na gustong isulong ni Senator Robinhood Padilla ang Constituent Assembly kung saan mismong ang mga Senador at Kongresista ang mag-aamyenda ng Saligang Batas partikular na sa Economic Provisions.
Ayon kay Jimenea, sakaling magkasundo sina Cong. Rufus Rodriguez na siyang Chairperson ng Constitutional Reforms sa House of Representatives at si Sen. Padilla na isulong ang Con-con, mas mapapadali ang pagpatawag ng mga delegado na maaaring isabay sa darating na barangay at SK elections.
Ngunit kung hindi naman, maaari pa rin itong isabay sa mismong midterm elections sa darating na 2025.
Samantala, binigyang diin na lamang ng propesor na kakailanganing magkaroon ng pag-uusap ang dalawang opisyal ng pamahalaan para maisulong ang unified o isang pamamaraan lamang ng pag-amyenda o pag-revise ng Saligang Batas.
Aniya, sakaling hindi magkasundo rito sina Cong. Rodriguez at Sen. Padilla, hindi maisusulong ang Charter Change na gustong mangyari ng 300 Congressmen na pumabor sa nasabing Resolution calling for Constitutional Convention.