NAGA CITY- Binanatan ngayon ni Deputy Speaker Cong. LRay Villafuerte ang mga paratang ni Oriental Mindoro Rep. Paulino Salvador Leachon patungkol sa umano’y ginawa nitong pork barrel insertions.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Villafuerte, sinabi nitong walang iligal sa pondong ginamit para sa konstruksyon ng Iconic Capitol Building at convention center sa Camarines Sur.
Ayon kay Villafuerte, walang siyang tinatago dahil lahat aniyang pondo ay kasama sa tamang budget at investment plan kung saan isa aniya si Leachon sa lumagda.
Aniya, hindi lang naman ang CamSur ang mga lugar na may Convention Center kung kaya wala siyang nakikitang masama kung magpagawa man ng naturang proyekto sa lalawigan dahil ang mga mamamayan naman ang mabebenipisyuhan.
Sa kabilang dako, ayon kay Villafuerte mas mabuti aniyang pag-usapan ang naturang isyu para mas maging sikat ang CamSur.
Binigyan diin ni Villafuerte na ginagawa lamang ni Leachon ang naturang bagay matapos aniyang mahuli sa pinaplanong hindi maganda sa Kamara de Representantes.