Photo© PNP Libamanan

Patay na nang matagpuan ang isang lalaki sa Barangay Sigamot, Libmanan, CamSur.

Kinilala ang biktima na isang construction worker, 59-anyos, residente ng nasabing lugar.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Police Chief Master Sergeant Juan Batolina, PIO/ Spokesperson ng Libmanan Municipal Police Station, sinabi nito na ang biktima ay pinaniniwalaang nakuryente.

Batay sa imbestigasyon, Marso 24 ng umaga umalis ang biktima sa kanilang bahay upang mangisda sa isang ilog gamit ang improvised electric motor ngunit sa kasamaang palad patay na nang matagpuan.

Ayon kay Batolina, dumikit umano sa tubig ang wire na mayroon na ring sira na naging dahilan upang makuryente ang biktima at maging rason sa agaran nitong kamatayan.

Binigyan-diin nang opisyal na ang paggamit ng pangunguryente sa pangingisda ay ipinagbabawal sa batas at delikado hindi lamang sa mga isda kundi maging sa gagamit nito.

Samantala, nakuha sa tabi ng bangkay ang improvised electric motor at mga nahuli nitong isda.

Sa ngayon, patuloy ang monitoring ng Libmanan Municipal Police Station sa kanilang bayan upang hindi na maulit pa ang nasabing insidente.