NAGA CITY- Makalipas ang ilang araw ay muling nakapagtala ng anim na panibagong kaso ng coronavirus disease ang Bicol Region.
Base sa datos ng Department of Health (DOH) mayroon ng kabuuang bilang na 25 covid-19 positive cases ang lugar.
Napagalaman na lima sa nasabing mga pasyente ay mula sa probinsya ng Albay.
Ito’y sina 54-anyos lalaki at mayroong travel history sa Marikina City, si 50-anyos na babae na mayroong exposure sa isang confirmed positive patient, 28-anyos na babae na nagpasuri sa Bicol Regional Training and Teaching Hospital (BRTTH), 36-anyos na babae na patuloy pang inaalam kung saan nito nakuha ang nasabing sakit at 57-anyos na babae na mayroon ring exposure sa una ng pasyente na nag positibo sa coronavirus.
Samantala, napagalaman naman na ang 25th case ay mula sa probinsya ng Catanduanes at unang kaso ng covid-19 sa lugar.
Ito’y isang 63-anyos na babae na napag alamang mayroong travel history mula sa Japan at kasalukuyang nagpapagaling sa Eastern Bicol Medical Center.
Kaugnay nito, iginiit ng ahensya na hindi pa tapos ang pakikipaglaban sa coronavirus dahil patuloy pa umanong nadadagdagan ang mga kaso nito.
Nanawagan naman ang DOH-Bicol sa lahat na dapat maging mapagbantay, handa at pinahahalagahan ang pagkakaisa laban sa nasabing sakit.