NAGA CITY- Pumalo na sa 19 ang bilang ng mga nagpositibo sa coronavirus disease (COVID-19) sa Bicol.
Sa datos mula sa Department of Health (DOH)-Bicol, isa na namang kaso ang nadagdag mula sa lalawigan ng Albay.
Ang naturang bagong kaso ang isang 74-anyos na lalaki kung saan sinasabing nagpakunsulta noong Abril 13, 2020 sa Bicol Regional Training and Teaching Hospital (BRTTH) dahil sa nararamdamang lagnat at ubo.
Wala umano itong travel history habang inaalam kung may nakasalamuha itong positive COVID-19 patient.
Sa ngayon, 11 na ang naitalang nakarekober habang isa naman ang binawian ng buhay dahil sa nasabing sakit.
Kaugnay nito, nanawagan ang Department of Health Center for Health Development Bicol sa publiko na manatili lamang sa mga bahay at sundin ang pinapatupad na social distancing, cough etiquette, regular na paghuhugas ng kamay at disinfection.