NAGA CITY-Kinumpirma ni Naga City Mayor Nelson Legacion na mayroon ng magagamit na COVID-19 machine ang Bicol Medical Center (BMC) laboratory upang agad na malaman ang resulta ng mga isinasailalim sa swab testing.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga sa alkalde, sinabi nito na ang nasabing machine ay isang GenExpert System at aprubado ng Department of Health (DOH).
Ayon kay Legacion, hinihintay na lamang ng BMC ang mga COVID-19 test kits mula sa DOH upang magamit na ito.
Ngunit dahil sa limitado lamang umano ang mga test kits sa nasabing ospital, ipinag-utos ng opisyal na bumili na rin ng mga test kits ang LGU-Naga upang masiguro ang agarang resulta mula sa mga residente ng lungsod na isasailalim sa swab testing.
Sinabi pa ng opisyal na ang nasabing machine ay kayang mag-labas ng resulta sa loob lamang ng 45 minuto, kayang makapag-operate ng 32 samples sa loob ng walong oras at kaya rin umano nitong maka-detect ng iba pang uri ng sakit tulad ng TB, cancer, point-of-care testing para sa HIV, hepatitis at iba pa.
Samantala, agad namang nakipag-ugnayan ang lokal na pamahalaan ng lungsod ng Naga sa GenExpert Systems para sa plano nitong pagkakaroon ng City laboratory sa lungsod upang tumutok sa coronavirus pandemic.