NAGA CITY – Nilinaw ngayon ng Department of Health (DOH) Bicol na nakapagatala na ng P.3 variant ng COVID-19 ang probinsya ng Camarines Sur ngunit hindi naman umano ito kumalat.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Dr. Chito Avelino, Assistant Regional Director ng DOH-Bicol, sinabi nito na isang returing overseas Filipino Worker na mula sa bansang Korea ang nagpositibo sa nasabing variant.
Ngunit, bago paman umano ito makauwi sa Bicol Region ay agad na itong isinailalim sa quarantine sa Metro Manila hanggang sa makunan ng specimen para sa RT-PCR test swab testing.
Ayon kay Avelino, nang lumabas ang resulta ng swab test ng pasyente na nagsasabing nagpositibo ito sa nasabing variant ay nakauwi na ito sa Camarines Sur.
Nilinaw naman ni Avelino na ng malaman ang resulta ng nasabing swab test ay kasalukuyan ring naka-quarantine sa probinsya ng Camarines Sur ang nasabing pasyente.
Ito’y alinsunod narin sa patakaran na ipinapatupad ng mga Local Government Unit (LGU).
Kaugnay nito, kinumpirma naman ni Avelino na agad namang naiwasan na kumalat pa ang nasabing variant ng nakamamatay na sakit sa mga kapamilya nito pati na rin sa buong probinsya.
Sa ngayon nilinaw naman ng DOH-Bicol na ang mother virus parin ng COVID-19 ang patuloy na nakakahawa sa naturang lalawigan.