NAGA CITY- Sa kabila ng kaliwa’t kanang banta ng coronavirus disease (COVID-19), hindi nagpatinag ang isang Pinay at American-Chinese fiance nito at itinuloy parin ang pag-iisang dibdib sa New York City.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Grace Guamos-Chan, dating empleyado ng Bombo Radyo Legazpi, sinabi nitong halos hindi siya makapaniwala sa bilis ng mga pangyayari sa kanyang buhay.
Ayon kay Chan, ngayong araw dapat ang kanilang nakatakdang kasal ngunit nitong mga nakaraang araw, biglang ipinakansela ang lahat ng mga mass gatherings kasama ang mga wedding ceremonies sa New York dahil sa lumalalang kaso ng COVID-19.
Ayon kay Chan, Fiancee Visa lamang ang hawak niya kung kaya minadali na nila ang lahat dahil may 90 araw lamang siya para maikasal sa lugar.
Kaugnay nito, matapos aniyang pumayag ang isang officiant na ikasal sila, hindi an sila nagdalawang isip pa at sa isang park na lamang ang kanilang naging venue kung saan ang mga nakapaligid na mga puno at lagoon ang tila nagsilbing disensyo sa kanilang kasal.
Aniya, dahil mahigpit ding pinatupad ang social distancing kung kaya silang tatlo lamang at ang ina at kapatid ng kanyang asawa ang kasama nila sa lugar.
Samantala, ilang oras lamang matapos ang naturang kasal, nagpatupad na ng lockdown sa New York.
Sa kabilang dako, kinokonsidera naman ni Chan ang naturang pangyayari bilang unforgettable, risky yet romantic wedding.