NAGA CITY- Kalansay na nang matagpuan ang bangkay ng isang Criminology Student na dalawang buwan ng nawawala sa Libmanan, Camarines Sur.

Kinilala ang biktima na si John Lawrence Mallapre, 21 taon gulang, 4th Year Student at residente ng Brgy. Nuevo sa nasabing bayan.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Naga kay Police Senior Master Sergeant Juan Batolina, ng Libmanan Municipal Police Station, sinabi nito na nitong Miyerkules, Disyembre 18, dakong alas-4 ng hapon, isang nagngangalang alyas Ronel na maghahanap sana ng mauulam sa kabukirang parte ng nasabing barangay kasama ang dalawa pa, nang makita ng mga ito ang kalansay.

Dahil umano sa takot, kaagad itong nagreport sa barangay, ngunit dahil sa sobrang lakas ng ulan, kung kaya’t ipinagpaliban muna ng mga barangay officials ang pagtungo sa nasabing lugar upang iberipika ang nasabing report.

Sa follow-up imbestigation, nakumpirma nga ang naturang insidente at kinumpirma naman ng pamilya ang natagpuang bangkay na halos kalansay na ay ang kanilang anak dahil narin sa mga damit na suot at mga personal na bagay na pagmamay-ari ng nawawalang estudyante.

Maaalala, Setyembre 30, sa kasalukuyang taon, unang napaulat na nawawala ang biktima na papasok sana sa paaralan subalit hindi na ito nakarating at hindi na nakabalik sa kanilang bahay.

Ayon sa opisyal, malayo na ang lugar sa bahay ng biktima at bihira ang mga tao na pumunta dito. Kung kaya, ng maghalughog ang mga otoridad, hindi ito nadaanan ng mga kapulisan.

Kaugnay nito, wala naman umanong nabanggit an pamilya ng biktima sa posibleng dahilan ng insidente ngunit hindi inaalis ng mga otoridad ang posibilidad na ito ay nagpakamatay.

Sa ngayon, nagpapatuloy pa ang isinasagawang imbestigasyon ng mga otoridad at hinihintay pa ang resulta ng autopsy upang malaman kung may foul play na nangyari sa naturang insidente.