NAGA CITY – Patay ang isang 18 taong gulang na Criminology student matapos masagasaan ng bus nang mahulog ito sa sinasakyang motorsiklo sa Ragay, Camarines Sur.

Kinilala ang biktima na si Arabela Cuenca residente ng Tagkawayan, Quezon at nag-aaral sa Sipocot, Camarines Sur.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay PSSgt Jimijon Salamque imbestigador ng insidente, sinabi nito na pasado alas-6 ng gabi noong Pebrero 5, 2023 habang patungo sa Sipocot kung saan nag-aaral ang biktima sakay ng isang motorsiklo na minamaneho naman ni Johnwell Matias nang mahulog ito pagdating sa malubak na kalsada ng Agrupasyon Ragay, kung saan sumemplang ang motorsiklo na naging dahilang ng pagkahulog ni Cuenca.

Matapos mahulog ng biktima eksakto naman umanong dumating ang bus na minamaneho ni Aurelio Cantor, residente ng Goa, Camarines Sur na naging dahilan upang masagasaan nito ang dalaga.

Samantalang gasgas naman ang inabot ng kasamang kaklase ng biktima na si Matias na nagmamaneho ng motorsiklo.

Sa ngayon, nasa kustodiya na ng Goa Municipal Police Station ang driver ng nasabing bus para sa karampatang parusa.

Kasunod nito, tutungo naman ang Philippine National Police (PNP) sa mga opisina sa Ragay na silang dapat na umaksyon ukol sa problema lalo na hindi ito ang unang pagkakataon na may naaksidente dahil sa malubak na kalsada.