NAGA CITY – Agad na humingi ng dispensa ang Civil Service Commission Regional Office V matapos ang nangyaring kaguluhan sa mismong opisina nito kaugnay ng filing ng mga aplikante para sa Career Service Examination-Pen and Paper Test (CSE-PPT) kahapon Abril 12, 2022.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Atty. Daisy Punzalan Bragais, Regional Director ng CSC-RO5 sinabi nito na tanging 100 na aplikante lamang ang tinanggap ng kanilang opisina para sa lalawigan ng Camarines Sur para sa nakatalaang pagsusulit sa Hunyo 19, 2022.

Mababatid daan-daang mga aplikante ang dumagsa, maaga at matiyagang nag-abang sa pagbubukas ng opisina ngunit sa kasamaang-palad ay hindi nasakop sa naturang slots.

Ipinaliwanag naman ni Bragais na kailangang limitahan ang bilang ng mga aplikante na nagnanais na mag-take ng nasabing eksaminasyon dahil sa COVID-19 pandemic.

Advertisement

Kung dati na wala pa ang pandemya ay pinapayagan ang 25 mga examinees sa isang classroom, ngayon ay lilimitahan lamang umano ito sa 12 batay na rin sa naging kautusan ng Inter-Agency Task Force (IATF).

Samantala, batay naman sa mga aplikante, tila walang maayos na koordinasyon ang opisina sa sistema ng proseso ng aplikasyon.

Anila, hindi sigurado ang mga opisyal dito kung hanggang ilan lang talaga ang itinalaga o bubuksang slot para sa (CSE-PPT) na nagresulta sa pagkadismaya ng mga aplikante.

Dagdag pa ng opisyal, nagpatupad sana sila ng online appointment ngunit nagkaroon ng exploitation sa server ng ahensiya na naging dahilan ng pag-crash ng system nito.

Sa ngayon, pangako na lamang ni Bragais na sa pagbubukas muli ng aplikasyon dito para sa buwan ng Agosto, ay hindi na ganito kagulo ngunit sinabi pa nito na hindi lahat ay mabibigyan ng pagkakataon dito dahil sa limitado pa ring slot.

“Sa mga hindi po nakakuha ng slots ngayon na June 19 exam, kami po humihingi ng pasensya very limited lang po kaya talaga ang slots. Ginigawa naman po ang mga paraan para sa masunod na mga exam hindi na ulit mangyari ito. Rest assured po that we are taking measures na sa masunod na sa August na exam mas maganda na ang ating pag file. Pero hindi po namin ma guarantee na lahat makaka exam,” ani Bragais.

Advertisement