NAGA CITY- Nakahanda na ang Camarines Sur Police Provincial Office (CSPPO) para sa pagdiriwang ng Undas 2024.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay PCPT Liza Mae Alteza, PIO ng Camarines Sur Police Provincial Office, nais ng kanilang panig na maging ligtas ang lahat sa pagdiriwang ng Undas.
Sa 36 na munisipalidad ng Camarines Sur, nakahanda na ang lahat ng istasyon ng PNP para sa deployment ng kanilang mga tauhan. Kung saan, magpapatrolya ang mga ito sa loob at labas ng sementeryo upang matiyak na walang maitatala na insidente.
Kaugnay nito, mahigpit ding ipinagbabawal ang pagdadala ng matutulis na bagay tulad ng kutsilyo, gunting, at iba pa sa araw ng Undas. Gayunman, nilinaw din ng opisyal na pagkatapos ng undas, maaaring magdala ng naturang kagamitan ang mga taong nais maglinis ng puntod ng kanilang mga mahal sa buhay.
Bukod dito, ipinagbabawal din ang pagdadala ng malalakas na instrument sa sementeryo bilang paggalang sa mga kaanak na namayapa na.
Samantala, sisimulan na rin nila ang kanilang 24/7 surveillance mula Oktubre 30 hanggang Nobyembre 2 sa mga sementeryo at mga lugar na maaaring puntahan ng mga tao.
Inaasahan din ang pagdagsa ng mga tao sa mga sementeryo at ang matinding daloy ng trapiko. Kung kaya, magkakaroon sila ng organisasyon ng sasakyan tulad ng mga loading and unloading areas at mga assistance desk sa mga highway.